Babaeng mahilig sa pogi, nagsisi nang makitang muli ang lalaking binigo noon dahil sa hindi ito ka-gwapuhan

Loading...

“Claire oh, bulaklak para sa iyo” kinakabahang abot ni Vincent ang bulaklak na bili pa sa mamamahaling flowershop sa kaniyang isang taon na at mahigit na nililigawang babae.

“Salamat” walang ganang sambit ni Claire habang nakataas ang kilay.

“Ah, Claire. Mahigit isang taon na din ako nanliligaw. Kailan mo ba ako balak sagutin? Tingin ko sapat na lahat ng ginagawa ko para mapatunayang mahal na mahal kita” lakas loob nang tinanong ni Vincent.

“Pwede ba Vincent?! Kung pagod ka na sa ginagawa mo, edi tumigil ka na” sigaw ng dalaga.

“Pero Claire—”.

“Noon pa lang sinasabi ko na sayo na wala kang pag- asa sakin. Ikaw lang tong nagpupumilit umaasa na sasagutin ko ang isang katulad mo.

Gumising ka sa katotohanan! Hindi ikaw ang tipo kong lalaki. Hindi ang mga kagaya mo ang nais kong makasama sa habang buhay. Kaya tumigil ka na pwede? Naaalibadbaran ako sayo!” deretsyahang sinagot ni Claire sabay tapon ng bulaklak sa lapag

“Hindi ko man taglay ang kagwapuhang nais mo, Claire. Pero pangako kaya kitang mahalin at buhayin ng higit pa sa inaakala mo.

Pero mukhang nakapag desisyon ka na talaga, kung yan ang nais mo, titigil na ako hindi na kita guguluhin at kukulitin pang muli. Nawa ay makahanap ka ng lalaking babagay sa tipo mo” malungkot na umalis si Vincent habang nagpupunas ng mga luha.

Lumipas ang panahon ay nakatagpo nga si Claire ng lalaking tugmang tugma sa nais niyang maging nobyo. Ngunit kinalaunan ay iniwanan din siya nito dahil natakot sa pag-ako ng responsibilidad nang nalamang nabuntis niya si Claire.

Habang naglalakad si Claire sa kanto ay naririnig niya ang mga katagang ito “Yan ang mga napapala ng babaeng ambisyosa. Nabubuntis na lang ng kung sino- sino” ayon sa chismosa sa barangay nila.

“Tama! Sinayang niya si Vincent. Masugid siyang niligawan pero ano? Sa mukha bumase akala ata mapapakain siya ng itsura.

Porket gwapo, bumigay agad! Tapos noong nabuntis iniwan na lang. kawawang Claire” pangisi ngising nagpaparinig ng isa pang kausap na chismosa.

Gusto mang sagutin ni Claire ang mga paratang ay hindi na nito ginawa pagkat alam niyang wala siyang mapapala at makakasama pa sa kaniyang pagdadalang tao.

Sa isang mall habang tumitingin tingin si Claire ng gamit ng kaniyang baby, nakasalubong niya si Vincent.

“Uy, Claire! Ikaw na pala ýan. Kamusta naman ang pagbubuntis mo, hindi ka ba nahihirapan?” pangangamusta ni Vincent.

Unang napansin ni Claire ay ang asawa ni Vincent. Blooming at fresh pa din ang mukha at katawan kahit na malaki na ang tiyan dahil 7 buwan nang buntis.

“Ah… eh… Oo ayos naman hindi naman ako nahihirapan” nahihiyang sagot ni Claire habang hinihimas himas ang tiyan.

“Mabuti naman kung ganon. Si misis kasi sumasakit daw yung likod niya sa mahabang lakaran. Kaso eto kailangang mamili ng mga gamit ni baby kaya sinamahan ko na para maalalayan saka magbitbit ng mga pinamili.

Palagi ko na din sinasamahan sa tuwing aalis” paliwanag ni Vincent habang may matamis na ngiti sa kaniyang mga labi. Halatang halata na mahal na mahal nila ang isa’t isa.

“Ang swerte naman niyang asawa mo. Palagi kang nandiyan para sa kaniya” napayukong sabi ni Claire.

“Oo naman. Sa wakas ay nakahanap na din ang ko babaeng tatanggapin kung sino at ano ako. Mahal niya ako kahit hindi ako kagwapuhan.

Nagpapasalamat ako sa Diyos at ipinagkaloob sa akin ang isang biyaya na madalang lang ang makakuha. Hirap kaya makahanap ng babaeng ganito” pabirong parinig ni Vincent.

Ngumiti na lamang si Claire at napaisip sa kaniyang nagawa.

“Oh siya, mauna na kami madami pa kaming bibilin na mga damit at gamit ni baby eh! Ingat ka Claire” paalam ni Vincent sabay kaway.

Sa paglalakad ni Claire ay doon niya napagtanto na kung sana noon pa lamang ay nakita na niya ang kahalagahan ng pagmamahal kaysa sa pisikal na anyo, eh di sana ay mas nadadama niya ang tunay na saya at pagmamahal mula sa isang lalaking nais ibigay ang lahat para lamang sa kaniya.

Source: Inday Trending

Add Comment